(Pa)Uso.

May dalawang usong usong ngayon, lalo na sa internet at pagsusulat sa blog: una, ang pagiging mapag-uyam, (pagiging mapanlait at sarcastic sa masamang konteksto) at ikalawa, ang pagiging ndie o iba mula sa popular na kultura.

Sabi dati ni Ser Jayson Petras (Panitikang Pilipino 17 – Popular na Kultura), ang kaibahan raw ng humor ng Kano mula sa humor ng Pinoy ay ang social class na pinagtutuunan ng biro. Sa atin, ang mga pulitiko, mga artista at ang mga sikat ang binabato ng mga biro. Sa Tate, ang mga minority tulad ng mga blacks, amerasians at iba pa. (Ang terminong corny ay patungkol ng mga puti sa mga blacks, kasi ang mga blacks daw ang mas kumakain ng corn. I-refresh ninyo nalang siguro ang American history ninyo, sa parting civil war.) Kung magpapakakolonyal nga naman tayo, kumbaga, first world humor ang pagtatawa sa mga may kaibahan mula sa atin, at third world ang pagtatawa sa mga kamalian ng mga nagmamataas. Pero mukhang karamihan sa atin, lalo na sa mga kasing-edad ko, ay tila nahahawa na sa mga taga tate – pinagtatawanan narin nila ang mga kapwa nila na iba mula sa kanila. Karaniwan pa nga ay ang pagtatawang ito ay pantungkol sa social division – konyo at jologs, sosyal at cheap, fashionista at yung ika nga nilang pokpok manamit (pero para sa akin ang terminong pokpok ay dapat lagyan ng ingat tuwing gagamitin, unless nga, isa ka sa mga nagpapaka-sarcastic.) at marami pang iba. Sa makatuwid, ginagawang laughing stock ng ibang tao ang mga taong iba mula sa kanila.

Oo nga naman, nakakatawa. (Ay, shyet, napasama ata ako sa uso.)

Ikalawa, usong uso rin ang pagdidisplay ng mga paboritong musika, musikero, libro at manunulat, mga pelikula at marami pang iba. At siyempre, ang listahan nila ay punong puno ng mga musika, musikero, libro at manunulat, mga pelikula at marami pang ibang bagay na hindi napapasama sa pop culture – avante garde, ika nga. Mga listahan ng pagpapakita ng pag-deviate mula sa kung ano ang sinasalaksak ng media sa atin – mga indie, mga alternatibo, mga iba. Mas iba, mas astig ka. Mas hindi kilala, mas malupit ka.

Pero sa mas malalim na pagtingin ang mahahabang listahan ng paborito ay tila nagiging implikasyon ng kinaluluklukan mo sa lipunan, status symbol, ika nga. Hindi ko sinasabing mali ang pagkakagusto sa mga indie, sa mga hindi pop, hindi ko rin sinasabing masamang sabihin ito. Sinasabi ko lang, uso ito.

Popular ang hindi popular.